
Today is Ash Wednesday… parang kelan lang nung ginunita ko ang tradisyon ng kuwaresma. Mga anim na taon na siguro ang nakalipas. Nung una, di ko pansin ang sinisimbulo nito. Pagpapahid ng abo sa noo ng tao. Isang pagpapahiwatig at pagpapaalala na tayo ay nagmula sa alabok… at darating ang panahon ay sa alabok din ang balik natin. March 25, 2004, 6:00 PM, dito ko naunawaan ang sinasabi ng mga pagpapaalalang iyon. Lugar: Tondo General Hospital. Abalang abala ako nun sa paghahanap ng pera para may maibayad sa gastusin sa ospital. Nung araw na iyon ay naka-confine ang kapatid ko. He was diagnosed of having a severe case of Hypokalemia. Ito ang sakit na buong katawan mo ay mapaparalisa dahil sa kakulangan ng potassium sa katawan. March 24, 2004, 10:30 PM, sinabi nya sa amin na isugod na namin sya sa ospital dahil hindi na nya kaya ang nararamdaman nya. Hindi kami nag-atubili ng tatay ko at dagli namin sya dinala sa Tondo General Hospital. Inasikaso naman sya ng mga nars at duktor dun. May mga tests na hindi available sa ospital kaya ako na ang nagdala nito sa Mary Johnston. Bumalik ako ng Tondo at nakita ko ang ayos ng kapatid ko, nakaupo sa kama, hawak ang dibdib na tila nahihirapang huminga. Sa pagkakataong yon halos parang kasabay ko ding nadudurog ang puso ko habang nakikita ko sya sa ganung kalagayan. Lumipas pa ang mga oras at inabot na kami ng kinabukasan sa pagbabantay sa kanyang kalagayan. Sabi nga nila, habang may bukas ay may pag-asa. Pinanghawakan ko ang kasabihang iyon, kasama ang pag-asang gagaling pa sya. Maraming oras ang lumipas… akyat panaog ako sa ospital para bumili ng gamut sa Festival Drug sa tapat ng pagamutan. Hindi ko inisip ang pagod kasi ganun na lang ang pagnanais ko na gumaling na sya. Walang pagbabago, parang lalong lumulubha ang kalagayan ng kapatid ko. Kung anu-anong mga tubo at aparato na ang ikinabit sa kanya. Pilit kong pinigil ang mga luha ko sa mga nasaksihan ko. Ayokong lalong panghinaan ng loob si nanay dahil alam kong sa akin na lamang sita kumukuha ng lakas ng loob. Lumabas ako ng kuwarto at nakaharap ko ang duktor na tumitingin sa kapatid ko. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kokote ko at bigla ko siyang tinanong sa kalagayan ng kapatid ko, nabigla ako sa tugon niya dahil meron na lamang 10 porsyentong tsansa ang kapatid ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at di ko namalayan na nalakupasay na ako sa sahig dahil sa masamang balitang iyon. Pinilit kong tumayo, pinalis ko ang mga luha sa mata ko at bumalik sa kuwarto na animo’y walang masamang nangyari. Hapon ng araw ding iyon ay umuwi ako, naiwan sa ospital ang nanay at tatay ko kasama ang ilang mga kaibigan ko. Maghahagilap muli ako ng perang pandagdag sa mga bayarin. Pabalik na ako sa ospital kasama ang kaibigan kong si Fred, parang kuya ko na ito na walang humpay sa pag-alalay sa akin sa kalbaryong dinaranas ko. Nakasakay kami ng tricycle, sinabi ko kasi na mas mabilis kaming makakarating ng pagamutan kong magta-tricycle kami. Habang nasa daan kami ay nakatanggap ako ng balita… patay na daw si Darwin. Tinawagan ako ng kaibigan ko para sabihin iyon. Nalagutan daw siya ng hininga sa ganap na 6 ng gabi sa ICU. Bumalong na ang luha sa mga mata ko na kanina ay pilit kong pinapalis. Pagbalik ko sa ospital, nakita kong umiiyak ang tatay at nanay ko. Nanginginig angbuo kong katawan habang binabagtas ang pasilyo patungo sa morge. Pagbukas ko ng pinto, nakita ko ang isang katawan na nababalutan ng puting tela. Inalis ko ang pagkakatakip nun at tumambad sa akin ang walang buhay kong kapatid. Mahigpit ko syang niyakap na tila’y nais kong sabihin na magpahinga na sya. Pilit akong pinapayapa ng tatay ko. Wala na ang kapatid kong nakasama ko sa loob ng maraming taon. Nami-miss ko talaga siya. Sa tuwing sumasapit ang Ash Wednesday ay parang isang pelikulang paulit-ulit na bumabalik sa aking balintataw ang mga eksenang kailanman ay hinding-hindi ko malilimutan. Tama nga ang mensahe ng Ash Wednesday, tayo ay nanggaling sa alabok, at babalik din sa alabok.
“When we receive ashes on our foreheads, we remember who we are. We remember that we are creatures of the earth ("Remember that you are dust"). We remember that we are mortal beings ("and to dust you will return").

No comments:
Post a Comment