
Jay Orongan (May 4, 2006)
Sa isang tindahan ako namalagi
Nakakulong sa isang garapong nakakubli
Pilit binabatid ang kahalagahan ng sisidlan
Nangangarap na makaalpas upang mundo’y masilayan.
Ano nga ba ako sa mundong ito?
Bakit nga ba ako naririto?
Ito ba ang tadhanang aking dapat tanggapin?
Patuloy akong nagtatanong, nawa ako’y dinggin.
Sa sulok ng napag-iwanang gabi
Pilit itinatago aking mumunting hikbi
Sa likod ng makulay at maganda kong anyo
Mababanaag aking pagkasiphayo.
Lumipas ang mga araw at gabi
Bigla na lamang nabulabog ang aking pagmumuni-muni
Katawang pagal dagling dinaklot
Mula sa sisidlang matagal ding ikinabugnot.
Ahh! Ano itong nangyayari sa akin ngayon?
Ang aking katawa’y nalalasag, niluluray, itinapon!
Di ko maintindihan ang mga nangyayari
Takot sa puso ko’y di mapawi-pawi.
Nagdaan pa ang ilang sandali
Takot ay napalitan ng paghikbi,
Dating mabango at makulay kong anyo
Ay isa na lamang ala-alang aking itatago.
Saan kaya ako dadalhin ng kapalarang ito?
Bagong kinalalagayan, malaming, madumi at mabaho.
Aking kinasadlakan sintigas ng aspalto
Nilalamig, nanginginig, ako’y nagsusumamo
Ako’y muling ibalik sa sisidlang itinuring tahanan ko.

