Wednesday, February 17, 2010

Ash Wednesday


Today is Ash Wednesday… parang kelan lang nung ginunita ko ang tradisyon ng kuwaresma. Mga anim na taon na siguro ang nakalipas. Nung una, di ko pansin ang sinisimbulo nito. Pagpapahid ng abo sa noo ng tao. Isang pagpapahiwatig at pagpapaalala na tayo ay nagmula sa alabok… at darating ang panahon ay sa alabok din ang balik natin. March 25, 2004, 6:00 PM, dito ko naunawaan ang sinasabi ng mga pagpapaalalang iyon. Lugar: Tondo General Hospital. Abalang abala ako nun sa paghahanap ng pera para may maibayad sa gastusin sa ospital. Nung araw na iyon ay naka-confine ang kapatid ko. He was diagnosed of having a severe case of Hypokalemia. Ito ang sakit na buong katawan mo ay mapaparalisa dahil sa kakulangan ng potassium sa katawan. March 24, 2004, 10:30 PM, sinabi nya sa amin na isugod na namin sya sa ospital dahil hindi na nya kaya ang nararamdaman nya. Hindi kami nag-atubili ng tatay ko at dagli namin sya dinala sa Tondo General Hospital. Inasikaso naman sya ng mga nars at duktor dun. May mga tests na hindi available sa ospital kaya ako na ang nagdala nito sa Mary Johnston. Bumalik ako ng Tondo at nakita ko ang ayos ng kapatid ko, nakaupo sa kama, hawak ang dibdib na tila nahihirapang huminga. Sa pagkakataong yon halos parang kasabay ko ding nadudurog ang puso ko habang nakikita ko sya sa ganung kalagayan. Lumipas pa ang mga oras at inabot na kami ng kinabukasan sa pagbabantay sa kanyang kalagayan. Sabi nga nila, habang may bukas ay may pag-asa. Pinanghawakan ko ang kasabihang iyon, kasama ang pag-asang gagaling pa sya. Maraming oras ang lumipas… akyat panaog ako sa ospital para bumili ng gamut sa Festival Drug sa tapat ng pagamutan. Hindi ko inisip ang pagod kasi ganun na lang ang pagnanais ko na gumaling na sya. Walang pagbabago, parang lalong lumulubha ang kalagayan ng kapatid ko. Kung anu-anong mga tubo at aparato na ang ikinabit sa kanya. Pilit kong pinigil ang mga luha ko sa mga nasaksihan ko. Ayokong lalong panghinaan ng loob si nanay dahil alam kong sa akin na lamang sita kumukuha ng lakas ng loob. Lumabas ako ng kuwarto at nakaharap ko ang duktor na tumitingin sa kapatid ko. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kokote ko at bigla ko siyang tinanong sa kalagayan ng kapatid ko, nabigla ako sa tugon niya dahil meron na lamang 10 porsyentong tsansa ang kapatid ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at di ko namalayan na nalakupasay na ako sa sahig dahil sa masamang balitang iyon. Pinilit kong tumayo, pinalis ko ang mga luha sa mata ko at bumalik sa kuwarto na animo’y walang masamang nangyari. Hapon ng araw ding iyon ay umuwi ako, naiwan sa ospital ang nanay at tatay ko kasama ang ilang mga kaibigan ko. Maghahagilap muli ako ng perang pandagdag sa mga bayarin. Pabalik na ako sa ospital kasama ang kaibigan kong si Fred, parang kuya ko na ito na walang humpay sa pag-alalay sa akin sa kalbaryong dinaranas ko. Nakasakay kami ng tricycle, sinabi ko kasi na mas mabilis kaming makakarating ng pagamutan kong magta-tricycle kami. Habang nasa daan kami ay nakatanggap ako ng balita… patay na daw si Darwin. Tinawagan ako ng kaibigan ko para sabihin iyon. Nalagutan daw siya ng hininga sa ganap na 6 ng gabi sa ICU. Bumalong na ang luha sa mga mata ko na kanina ay pilit kong pinapalis. Pagbalik ko sa ospital, nakita kong umiiyak ang tatay at nanay ko. Nanginginig angbuo kong katawan habang binabagtas ang pasilyo patungo sa morge. Pagbukas ko ng pinto, nakita ko ang isang katawan na nababalutan ng puting tela. Inalis ko ang pagkakatakip nun at tumambad sa akin ang walang buhay kong kapatid. Mahigpit ko syang niyakap na tila’y nais kong sabihin na magpahinga na sya. Pilit akong pinapayapa ng tatay ko. Wala na ang kapatid kong nakasama ko sa loob ng maraming taon. Nami-miss ko talaga siya. Sa tuwing sumasapit ang Ash Wednesday ay parang isang pelikulang paulit-ulit na bumabalik sa aking balintataw ang mga eksenang kailanman ay hinding-hindi ko malilimutan. Tama nga ang mensahe ng Ash Wednesday, tayo ay nanggaling sa alabok, at babalik din sa alabok.

“When we receive ashes on our foreheads, we remember who we are. We remember that we are creatures of the earth ("Remember that you are dust"). We remember that we are mortal beings ("and to dust you will return").

Tuesday, August 18, 2009

Negative + Negative = Positive


Alas 4 y media ng umaga. Grabe ang sakit ng ulo ko, di ako sanay gumising ng ganito kaaga. Minsan e oras pa lang ito ng pag-uwi namin ng mga kabarkada ko mula sa magdamagang tambay namin sa Champaca. Marahil ay itinatanong nyo kung bakit ako nagising ng ganito kaaga, well, isa na naman ito sa mga tungkuling naatas sa akin na hindi ko na naman matanggihan. Proctor. Yan ang gampanin ko sa araw na ito. Bigaten. Ipinapanalangin ko na sana ay hindi mapunta sa akin ang mga demonyong estudyante na nahawakan ko nung nakaraang taon.

Mabilis kong tinunggo ang paaralang pinapasukan ko. Himala, maaga ako ngayon at naabutan ko pang bukas ang Gate 2. Swerte, hindi na ako iikot para makadaan sa kabilang gate. Pagkapasok ko sa school, diretso na ako ng Guidance Office at kinuha ko na ang assigned room na babantayan ko. Lumapit sa akin ang isang batang babae at sinabing "Sir, room 9 ka ba?" "Oo, bakit?" "Kasi dun po kaming mga girls naka-assign na mag-room". Yes! swerte naman, di ko mahahawakan ang mga lokong estudyante ko, puro babae pala ang hawak ko ngaun.

Pagkatapos kong maibigay ang mga gawain sa mga bata, umupo na ako sa pwesto na kung saan nakalagak ang laptop ko. Binuksan ko ang computer and "Voila!" may sagap na wifi ang pwesto ko. Napakamot na lamang ako dahil kahit kelan hindi naman nagkaroon ng signal sa pwestong iyon.

Hanep, mukhang sinuswerte ata ako sa araw na ito. Tuloy naalala ko ang ilang linya sa kanta ng Southborder, ang Rainbow:
Even if there is pain now
Everything will be alright
For as long as the world still turns
There will be night and day
Can you hear me
There's a rainbow always after the rain
Akala ko puro pangit ang mangyayari sa araw na ito. Thanks Bro sa magandang bagay na naganap sa akin ngayon (feeling santino muna ako!) :)

Beautiful Girl, Otaw Version


Eto yung video taken last December 2007, 3rd year pa lang si Otaw (Rolando Roque) nang pilit siyang isinali namin ni Ms. Salafrania sa Ms. Bebot San Roque. In fairness, magaling siyang sumayaw and nakakaaliw talaga. :)

Monday, August 17, 2009

Sentimyento


Minsan, may mga bagay na sisira ng ganda ng araw mo. Ewan ko ba, di sila makuntento sa kung ano ang kinalalagyan nila. Ayaw nila na nasa maayos ang kapwa nila. Kailangan, maayos muna ang kinalalagyan nila, kahit na ang maging resulta nito ay ang pagkabulabog ng iba nyang kasama. Buhay nga naman, bakit napakadaming ganitong tao sa mundo.Biruin mo, kung kelan sanay kanang lumakad sa bubog e bigla kang isasabak sa pagtulay sa alambre. Tsk, tsk, tsk, napakabulok na sistema. Matagal nang inaanay at ilang taon ng lugmok sa kinalalagyang sulok. Isang kabalintunaan na lagi nating ipinapangaral sa kabataan ang pagiging patas pero sa totoong buhay ay mas ligaw pa ang sariling pananaw sa pagiging patas. Hay naku, bahala na si Bro sa kanila. :(

Wednesday, July 29, 2009

Sagot sa Usapang Senti


Tumatanda na ako... Mga kataga na biglang sumundot sa isipan ko habang nakatanghod sa bintana ng Mutya . May mga pagkakataon na naupo na lang ako sa isang tabi at pinagmamasdan ko ang mga bagay sa paligid ko. Napakagulo, napakaingay, nakabibinging salitaan. Mga batang naglalakad at nagmamadali upang hindi mahuli sa klase, mga dating guro na ngayon ay kasama ko na sa pinapasukan kong trabaho at ang mga bagong “salta”, eto yung mga bagong pasok na guro na mas bata sa akin. Hindi ko tuloy mapigilang mag-isip at bulabugin ang pagal at magulo kong isipan: “Ano kaya kung maging bata muli ako?” Katanungang pilit kong binibigyan ng kasagutan. Ano nga kaya kung maging bata muli ako? May mababago ba sa buhay ko? Sa palagay ko naman siguro meron. Kapag bata ka, wala kang ibang iintindihin kundi yung mga sarili mong mga pangangailangan: “ano kaya ang ulam naming mamaya?” “May pasalubong kaya si tatay mamaya sa kanyang pag-uwi?” Sana walang pasok bukas para makapaglaro ako maghapon...” Naisip ko tuloy, ang sarap siguro kong mangyayari yun. Walang problema... laging nandyan si nanay para umagapay sa akin, siya kasi ang tagapagtanggol ko e... hay naku, san naman kaya ako hahagilap ng magbibigay katuparan sa mga kalokohang naisip ko. Sana may madampot akong gasera na kikiskisin ko para magkaroon ako ng tatlong kahilingan o kaya ng kahoy para maipukpok sa ulo ko na nagmamarakulyo sa kakaisip. Teka... nag-bell na, klase ko na. Baka magbugbugan na ang mga estudyante ko kapag di ako nakapasok sa kwarto nila. Saka ko na lang ulit dudugtungan ang mga pagbabaliktanaw sa mga masasayang nakaraang nais kong balikan... 

Tuesday, June 16, 2009

Ang Gamot sa Tanga!


Kung katangahan ang magmahal; lahat ng tao sa mundo, bobo!
Kunsabagay, di naman katangahan o kabaliwan ang mga bagay na ginagawa mo sa ngalan ng pag-ibig. Ganito lang ang kalalabasan kapag ang mga ito ay di natumbasan at nasuklian. Yung tipong mas nagbibigay ka kaysa nakatatanggap. Pero may isa pang puntong lilitaw dito, di naman niya sinabi na mahalin mo siya at magpakatanga ah. Wala rin siyang sinabing gawin mo ang mga bagay na ginagawa mo para sa kanya, tapos ngayon magrereklamo ka. Ekspektasyon. ‘Yan kasi ang nagdudulot ng sakit. Umaasa ka na pahalagahan ka niya (kahit di na nga mahalin) gaya ng pinapakita mong pagpapahalaga sa kanya. Wag kang maghintay ng kapalit. Ganon talaga. Di lahat ng mamahalin mo, mamahalin ka rin. At ang pagmamahal daw ng walang hinihintay na kapalit ang siyang tunay na pagmamahal.
Pero dahil sa tao ka, kahit alam mo na naman ‘yung pinagsasabi ko sa taas, patuloy ka pa ring umaasa at siyempre nasasaktan. Sino ba naman kasing tao ang ayaw na mahalin din siya? Sino ba naman ang ayaw mapahalagahan? Kaya lang sa paggigiit mo sa mga bagay na ito, lalo ka lang masasaktan at magdurusa.
Siguro nga walang taong tanga, nagtatanga-tangahan lang. Kasi sa totoo lang ang ang sagot sa problema mo ay nasa harapan mo rin mismo. Hindi ka niya mahal, iyon ‘yun. Natatakot ka lang harapin ito, dahil ito ang katotohanan. Masakit ang katotohanan. Kaya para maiwasan, wag na lang harapin. Kaysa masaktan, wag na lang alamin at isipin. Dating gawi. Magmahal at umasa. Umasa at masaktan. Masaktan at umiyak. Umiyak at maawa sa sarili. At sisihin ang sariling katangahan.
Dumarating din ‘yung panahong nakapag-isip ka na at mukhang handa ka ng magbagong-buhay ‘ika nga. Handa ka ng lumayo at lumimot. Pero eto na naman siya, lumalapit at mukhang kinakailangan ka niya. Di mo siya kayang talikuran. Kaya ang tinalikuran mo ay ‘yung plano mong pagbabagong-buhay. Kalimutan na ang paglimot, ang mahalaga ay siya. Ang pagkakataong makasama siya. Ang tsansang baka makita niya ang halaga mo sa kanya.
Kaso pagkatapos ng mga pagkakataong ganito, babalik din siya sa dating siya. Manhid. Bato. Walang pakialam. At ikaw, naiwan na namang tulala.
Biglang dating na naman ng sakit. Biglang balik ka rin sa dating ikaw. Nasasaktan. Umiiyak. Naaawa sa sarili.
Paulit-ulit lang. Kasi di mo talaga hinaharap at ginagawan ng solusyon ang problema. Bakit? Kasi mahirap. Dahil wala namang madali.
Paano makakaahon? Harapin ang katotohanan. Tanggapin na may mga mga bagay sa mundo na di mo kayang baguhin. Di ‘to pwedeng idikta ng iba sa ‘yo. Ikaw lang makapagsasabi kung kaylan.Kasi ang gamot daw sa tanga: pagkukusa. Magkusa kang unti-unting ibalik ang pagtingin sa sarili.
Gaya ng sinabi ko, di ito madali. Kasi sa totoo lang, kahit ako di ko alam kaylan magsisimula… marjosalafrania

Friday, May 22, 2009

Pantalon ni Nanay


Hindi sa lahat ng pagkakataon ay masasabi natin na tayo ay mapalad. Hindi lahat ng mga bagay sa mundo ay patas. Hindi maaring magpantay ang mayaman at mahirap.

Nagsimula kong tahakin ang buhay bilang isang pangkaraniwang paslit na nakatira sa squatter's area. Nung panahong iyon ay tatlo na kaming magkakapatid, ang Kuya Erwin ko, Ako at si Val. Sa aming tatlo ay masasabi kong ako ang pinakamasipag mag-aral. Nag-aral ako sa isang pampublikong paaralan sa Navotas at dito ko napansin ang kaibahan ng buhay ko sa mga naging kaklase ko. Grade 1, pasukan na, inihatid ako ng nanay ko sa pinapasukan kong paaralan. Tulad din ng mga batang ayaw mahiwalay sa kanilang mga magulang sa unang pagkakataon, pinilit ko ang nanay ko na bantayan ako sa labas ng classroom namin. Kailangan ay nakikita ko siya sa bintana para maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Tumagal ang ganitong sitwasyon ng isang lingo hanggang ipinagbawal na ni titser ang mga magulang na magbantay sa aming silid. Medyo nahirapan ako sa una dahil sa unang pagkakataon, naramdaman kong nawalan ako kakampi. Kahalubilo ko na ang ibang mga bata na abala sa kani-kanilang ginagawa. Napansin ko ang mga magagarang gamit pang-eskwela ng mga kaklase ko, may mga mababangong pambura, mga lapis na makukulay, pencil case na kapag binuksan ay may mga iba-bang compartments, gunting na natitiklop at mga bagong bag na binili pa sa Mall. Hay naku, ang gagara ng mga gamit nila samantalang ako ay mayroon lamang ilang pirasong mumurahing notebooks, isang pirasong itim at matabang lapis, at isang bag na may kalumaan at hiningi lamang ni nanay sa kapitbahay namin.

Mabilis na nagdaan ang mga araw at lingo, napansin kong lumalaki na ang sira ng bag ko. Sa sobrang bigat ba naman na dala nito e talagang bibigay sa bigat. Unang napatid ay ang strap nito, nilagyan ko na lamang ng pardible para hindi ako mahirapan sa pagbubuhat ng mga gamit ko. Sumunod na nasira ang mga bulsa nito, napunit na. Hinayaan ko na lamang ang mga diprensya ng bag ko, iniisip ko na lamang na maige pa rin ito dahil nadadala ko pa rin ang mga gamit ko kahit papaano. Isang araw, pauwi na ako ng bahay. Habang naglalakad ako ay napansin ko na lamang na gumaan ang aking dala-dalang bag, sa aking paglingon ay isa-isa nang nahuhulog ang mga notebook at libro ko. Umuwi akong umiiyak at dali-daling yumakap sa nanay kong nag-aantay sa may pinto. Sinabi ko sa kanya na ibili nya ako ng bagong bag dahil wala na akong magagamit. "Hindi kita mabibilan ng bag ngayon, marami tayong babayaran at kulang pa itong pera ko para sumapat sa ating pagkain" tugon ni nanay sa akin. Hindi ko na siya pinilit pa. Sinubukan kong kumpinihin ang bag ko ngunit hindi na ito kasing tibay nung ito ay maayos pa. "Hayaan mo na iyan!" sigaw sa akin ni nanay. "Ako na ang mag-aayos niyan mamaya" pakli ni nanay habang patuloy ko pa ring pinipilit na ayusin ang aking bag. Binitiwan ko na ang pagkakalikot sa bag ko nang marinig ko na sa kapitbahay naming na nagsisimula na ang paborito kong palabas sa telebisyon, Shaider: Pulis Pangkalawakan. "Nay punta muna ako kina Aling Marilou, manonood lang ako ng Shaider!" sigaw ko habang tumatakbo palabas ng bahay upang makinuod ng TV. Dagli kong nalimutan ang sira kong bag. Pagkatapos kong manuod ay umuwi muli ako para makakain. Nagligpit ako ng pinagkainan namin at natulog na ako.

Kinabukasan, naalala ko na sira pa rin ang bag ko kaya sinabi ko na lang sa nanay ko na hindi ako papasok dahil wala pa akong bag. Pero laking gulat ko ng inabot sa akin ng nanay ko ang isang bag na kulay itim at puti (stripe). Sa aking pagkagulat, tinanong ko ang nanay ko kung saan siya nakakuha ng pambili. "Espesyal yang bag na iyan" sabi nya. "Huh" tugon ko sa kanya. "Naalala mo ba ang paborito kong pantalon na Kulduroy? Ginupit ko at ginawa kong bag para may magamit ka" tugon ni nanay sabay ngiti sa akin. Nung araw na iyon, masasabi ko na ako na yata ang pinakamasayang bata dahil mayroon na akong magandang bag na ginawa ni nanay mula sa kanyang pantalon, pinagpuyatan niya itong tahiin para may may magamit ako. Mula noon, hinding hindi ko malilimutan ang tagpong iyon. Kahit isa na akong guro ngayon, ikinikwento ko ito sa mga mag-aaral ko, lalo na yung mga batang alam ko na katulad ang sitwasyon ko dati. Hindi hadlang ang kahirapan upang tayo ay maging matagumpay sa buhay. Sa wakas, napantayan ko na din ang mga kaklase kong may maganda at magarang bag, syempre espesyal ang sa akin.J